Pagsusuka ng Bata: Ano ang Dapat Gawin Kapag Nagsusuka ang Iyong Anak?

Lahat ng bata, pwedeng makaranas ng pagsusuka. Ang pagsusuka ay kadalasang nagiging cause ng concern sa mga magulang, kasi syempre, hindi yun normal. Pero hindi naman lahat ng pagsusuka ng bata ay mapanganib o kailangan agad dalhin sa doktor. Baka kaya nagsusuka ang iyong anak ay dahil sa mga sumusunod:
Pagsusuka ng Bata: Mga Posibleng Dahilan
1. Nasobrahan sa kain.
Super relate ako dito. Yung anak ko, kapag nasobrahan siya ng kain, nagsusuka siya. Maliit pa kasi ang tiyan ng mga bata. Sa mga toddler lang (yung edad 2-3 years), ang tiyan nila ay singlaki lamang ng kamao nila. Imagine, gaano kaliit ang kamao ng toddler.
Ano ang dapat gawin kapag nagsusuka ang bata dahil nasobrahan sa pagkain?
- Ang ginagawa ko sa anak ko, hinahayaan ko lang isuka niya yung mga sobrang pagkain.
- Pagkatapos ay nililinisan ko siya ng bibig at pinagmumumog.
- After 2-5 minutes, pinapainom ko ang anak ko ng tubig para ma-replace yung tubig na naisuka at para ma-washout yung lasang maasim.
2. Nagtatakbo, nagtatalon, o naglalaro agad pagkatapos kumain.
Isa rin ito sa numero unong dahilan kung bakit nagsusuka ang mga bata. Sa sobrang takbo o talon ay pwedeng mag-backflow yung kinain ng iyong anak. Suking-suki rin dito yung mga makukulit kong pamangkin.
Ano ang dapat gawin kapag nagsusuka ang bata dahil sa sobrang laro?
- Hayaan lang isuka ang pagkain.
- Linisan ang bibig at pagmumugin para mawala yung maasim na panlasa.
- After 2-5 minutes, alukin ng tubig ang bata.
- After 30 minutes or 1 hour, alukin ang bata kung gusto niya ulit kumain.

3. Mayroong gastroenteritis.
Ang gastroenteritis o stomach flu ay pangkaraniwang nakakaapekto sa mga bata. Kapag may ganitong kondisyon, ang iyong anak ay pwedeng makaranas ng pagsusuka, pananakit ng tiyan, pagtatae, at lagnat. Kadalasang nagkakaroon nito dahil sa mga mikrobyo na naisubo ng mga bata dahil sa kanilang maduduming kamay.
Gastroenteritis is a common illness. Most kids get better at home by resting and drinking plenty of fluids.
– Nemours KidsHealth
Ano ang dapat gawin kapag nagsusuka ang bata dahil sa gastroenteritis?
Ayon sa medical sources, kung hindi malala ang gastroenteritis, pwedeng gamutin ang kondisyon kahit sa bahay lamang. Usually, nawawala ang pagsusuka within 24 hours kapag nilapatan ng home remedies.
- Sa pagsusuka ng bata, painumin ng homemade oresol para mapalitan ang nawalang tubig at electrolytes sa katawan. Panoorin niyo itong video ni Dr. Richard Mata tungkol sa paggawa ng homemade oresol.
- Kung hindi na gaanong nagsusuka, pakainin ang bata ng mga pagkaing magagaan sa tiyan. Pwede ang kanin na may sabaw, biskwit, nilagang manok, prutas (hindi maasim), at gulay.
- Painumin ng acetaminophen o ibuprofen para mawala ang lagnat at pananakit ng tiyan. Meron ding mga syrup na gamot para sa pananakit ng tiyan. Magtanong lamang sa pharmacist.
- Kung nagtatae ang bata, hayaan muna nitong maitae ang laman ng kanyang tiyan. Sa ibang mga doktor, hindi ina-advise na uminom agad ng gamot sa pagtatae.
4. Na-food poison.
Magkaparehas ang mga sintomas ng gastroenteritis at food poisoning. Ang pinagkaiba ng dalawa, ang gastroenteritis ay nakuha dahil sa pagsubo ng mga kamay o bagay na may mikrobyo, samantalang ang food poisoning naman ay nakuha dahil sa pagkain ng sira o panis na pagkain.
Ano ang dapat gawin kapag nagsusuka ang bata dahil sa food poisoning?
Ayon sa NHS, madalas ay hindi naman nagiging isang seryosong kondisyon ang food poisoning. Pwedeng gumaling sa kondisyong ito sa pamamagitan ng home remedies sa loob ng 1 linggo. Parehas lang din ang pag-manage nito sa gastroenteritis.
Food poisoning is rarely serious. You can normally treat your child at home.
– NHS
- Bigyan ng homemade oresol ang bata.
- Pakainin ang bata ng magagaan na pagkain.
- Painumin ang bata ng gamot sa lagnat at pananakit ng tiyan.
- Hayaang maitae muna ng bata ang nakaing panis na pagkain.
5. Nahihilo sa biyahe.
Naalala ko yung anak ko. Pinaliguan kami ng suka noong nabiyahe kami papuntang probinsiya. Mga 2 years old pa lang siya noon at hindi naman pwede ang Bonamine for Kids under 12 years old. Tinanggap na lang namin ang kapalaran namin na mag-amoy suka. Buti na lang rumenta kami ng private van.
Ano ang dapat gawin kapag nagsusuka ang bata dahil sa motion sickness?
- Paamuyin ang bata ng amoy mint gaya ng Vicks, White Flower, o Katinko.
- Pwede ring paamuyin ng medyo pinisil na balat ng orange o dalandan.
- Kung ang bata ay 12 years old up na, pwede ng painumin ng Bonamine for Kids. Pero alam ko chewable yun.
- Mag-stop over kung naka-private na sasakyan para mabawas-bawasan ang pagkahilo ng bata at hindi magsuka.
- Huwag muna pakainin ang bata ng heavy meals. Painumin ng juice o inuming may tamis.
6. Buntis ang bata.
Sadly, may mga 11-12 year old na batang babae na buntis na pala. Meron niyan, sa mga balita. Kung ang anak niyo ay babae, dalaginding na, at may jowa-jowa na, pwedeng dahilan ay buntis kaya siya nagsusuka.
Ano ang dapat gawin kapag nagsusuka ang bata dahil sa pagbubuntis?
- Basahin ito: Mga Pwedeng Gawin Para Mabawasan ang Pagsusuka Habang Buntis
- Samahan ang iyong anak para sa prenatal checkup. Isama rin ang nakabuntis sa iyong anak para maging involved sa magiging pamilya nila balang araw.
Kailan Dapat Dalhin sa Doktor ang Nagsusukang Bata?
Ayon sa Mayo Clinic, kailangang dalhin agad sa doktor ang bata kapag nakikitaan ng mga sumusunod na sintomas bukod sa pagsusuka:
- Kulay green yung suka
- Sobrang pananakit ng ulo
- Sobrang pananakit ng tiyan
- Malubhang pagtatae
- Dehydrated ang bata
- Nanghihina ang bata
- Mahigit 48 hours nang nagsusuka para sa mga batang 2 years old up
References:
Your Toddler’s Tummy Size – Toddler Box
Vomiting (for Parents) – Nemours KidsHealth
Gastroenteritis (Stomach Flu) (for Parents) – Nemours KidsHealth
yung anak ko po nag susuka po sia simula kanina umaga po di ko po alam anong dahilan kase bigla lng nag susuka wala namang lagnat mai ubo sia tsaka sipon pero wala namang lagnat nag susuka lng sia kaso ayaw uminum nung hydrite or oresol pero pina.inum ko ng gamot ngayung gabi anong pwede po bang gawin
Pacheckup po.