Ano ang Gamot sa Sore Eyes?

Nagkaroon ka na ba ng sore eyes? Ako, hindi pa. (O baka hindi ko lang maalala). 😅 Ang sore eyes ay kilala rin sa tawag na pink eye at conjunctivitis. Kapag nagkaroon ka ng sore eyes, namumula, nagmumuta, nangangati, at nagluluha ang mga mata mo. Pwede ring may kasama itong pamamaga. Maraming dahilan kung bakit nagkaka-sore eyes. Pwedeng magkaroon ka nito dahil sa bacteria, virus, allergy, pagkakapuwing, pagkakairita ng mata dahil sa contact lens, at marami pang iba. Para gumaling sa kondisyong ito, subukan ang mga sumusunod na gamot sa sore eyes.
Home Remedies sa Sore Eyes
So unahin muna natin yung pwedeng home remedies sa sore eyes.
1. Regular na linisin ang mga mata.
Para mabawasan ang pagmumuta at pangangati ng mga mata, linisan palagi ang mga ito.
Paano ang tamang paglilinis ng mga mata kung may sore eyes?
- Sa paghihilamos ng mukha. Pwede namang gamitin ang tubig na galing sa gripo. Siguraduhin lang na hindi ito malabo at walang mga dumi-dumi. Sa paghihilamos, huwag munang gumamit ng sabon sa paligid ng mga mata. Baka kasi mailam ka at lalo pang mairita ang mga mata mo. Kung may nanikit na mga muta, pwedeng gumamit ng basang bulak o malinis na face towel.
- Linisin gamit ang tissue. Kapag may sore eyes, hindi naman laging parehas na mga mata ang naaapektuhan. Kung isang mata lang ang may sore eyes, gumamit ng magkaibang tissue para linisin ang mga mata. Pwede mong basain nang kaunti ang tissue lalo na kung may muta-muta.
Watch niyo itong video ni Doc Dom, opthalmologist din siya. May nabanggit siya diyan kung paano maglinis ng mga matang may sore eyes.
2. Maglagay ng cold compress.
Ang cold compress ay ang pagdampi ng anumang malamig na bagay sa katawan. Pwedeng gumamit ng ice pack, o kaya naman ay isang maliit na bote na nilagyan ng yelo at binalutan ng tuwalya. Pero para sa mga mata, pwedeng gumamit na lamang ng binasang face towel.
Paano gawin ang cold compress para sa sore eyes?
- Kumuha ng face towel at basain ito ng malamig na tubig.
- Idampi ang malamig na face towel sa palibot ng mga mata
- Gawin ito 3x a day.
- Magsagawa ng cold compress hanggang sa mawala yung lamig ng face towel.
Ayon kay Dr. Linda Vu, isang opthalmologist, ang malamig na temperatura ay nakatutulong para mag-shrink (lumiit) ang mga ugat sa paligid ng mga mata. Dahil dito, nababawasan ng cold compress ang pamumula, pamamaga, at pananakit ng mga mata.
Cold temperatures help reduce redness by shrinking the blood vessels in the skin around the eyes. Swelling in the eye area due to an infection, black eye or another type of injury can also be reduced by applying a cold compress, as cold temperatures numb pain and minimize swelling.
– Dr. Linda Vu of Linda Vision
3. Maglagay ng warm compress.
Sa warm compress naman, nakatutulong ito para maalis ang mga namuong muta sa mga matang may sore eyes. Ang mainit-init na temperatura ay nagpapalambot ng muta sa mga mata. Bukod dito, dina-dilate (pinapalawak) nito ang mga ugat upang mas mabilis makadaloy ang dugo at magresulta sa mas mabilis na paggaling ng sore eyes.
Paano gawin ang warm compress para sa sore eyes?
- Kumuha ng malinis na face towel at basain ito ng mainit-init na tubig.
- Idampi ang mainit-init na face towel sa mga mata hanggang mawala ang init.
- Tanggalin ang mga lumambot na muta gamit ang isa pang malinis na tuwalya.
- Gawin ito 3x a day.
Note: Pwedeng halinhinang gawin ang cold compress at warm compress. Pwede rin namang cold compress lang o warm compress lang. Kung saan ka mas nagiginhawaan, yun ang iyong gawin.
4. Gumamit ng aloe vera o sabila.
Ayon sa pag-aaral, ang aloe vera o sabila ay pwedeng gamot sa sore eyes, dry eye, dacryocystitis, at ilang uri ng mga degenerative disease ng mga mata. Meron kasi itong ethanol at ethyl acetate. Ang mga kemikal na ito ay nakatutulong para mabawasan ang pamamaga ng mga mata ng taong may sore eyes.
Paano gamitin ang aloe vera sa sore eyes?
- Kumuha ng dahon ng sabila at kayurin ang gel nito.
- Ihalo ang 1 kutsarita ng aloe vera gel sa 2 kutsara ng malamig na tubig.
- Kumuha ng bulak at ibabad ito sa pinaghalong aloe vera at tubig.
- Pigaan ang bulak nang pabilog. Gagamitin mo kasi itong pantapal sa mata.
- Isara ang iyong mga mata at itapal ang bulak.
- Maghintay ng hanggang 10 minuto bago alisin ang mga bulak.
- Gawin ito 2x a day.
Paalala: Hindi ipapatak sa mata yung pinaghalong aloe vera gel at tubig ha. Itatapal lang yung binasang bulak nang nakasara ang mga mata.

Mga Gamot sa Sore Eyes na Nabibili sa Botika
Dumako naman tayo sa mga gamot sa sore eyes na nabibili sa botika. Sa totoo lang, ang sore eyes ay pwede namang gamutin sa bahay lang at pwede kang bumili ng mga over-the-counter na gamot. Kung mag-OOTC meds ka, pakitanong nang maigi sa pharmacist kung paano ang tamang paggamit ng mga ito. Halimbawa ng mga gamot sa sore eyes:
1. Magpatak ng eye drops.
May iba’t ibang uri ng eye drops ang pwedeng gamitin sa sore eyes:
Lubricating/moisturizing eye drops
Ang halimbawa nito ay yung Eye Mo Blue. (Hindi yan sponsored.) Ang active ingredient nito ay hypromellose. Pwede siya sa sore eyes kasi nililinis nito yung mga mata, binabawasan ang pagkatuyo, pati na rin pangangati.
Red-eye reducing eye drops
Ang halimbawa nito ay yung Eye Mo Red. (Hind rin ito sponsored.) Ang active ingredient naman nito ay Tetrahydrozoline hydrochloride. Ginawa ang Eye Mo Red bilang antiseptic (pumipigil sa pagdami ng mikrobyo) at nakatutulong ito sa pagbawas ng pamumula ng mga mata.
Note: Ayon sa ibang medical sources (gaya nito at ito), hindi advisable gumamit ng red-eye reducing eye drops para sa sore eyes. Yun daw kasing ibang mga tao na may sore eyes, mas lalo raw nairita ang mga mata nila noong gumamit sila ng red-eye reducing eye drops. Para sure, magtanong sa iyong optha.
Castor oil eye drops
Ang castor oil eye drops ay merong lubricating effect at anti-inflammatory properties. Sa tulong nito, nababawasan ang panunuyo, pagkairita, at pamamaga ng mga matang may sore eyes. Kapag bibili ng castor oil eye drops, siguraduhin na ang produkto ay para talaga sa mga mata. Meron kasing castor oil products na para lang sa buhok at balat.
2. Uminom ng non-steroidal anti-inflammatory drug (NSAID) para sa pananakit ng mga mata.
Kung nananakit ang mga mata dahil sa sore eyes, pwedeng uminom ng NSAID. Halimbawa nito ay Ibuprofen. Kahit anong brand pwede. Kadalasan, iniinom ang Ibuprofen every 6 or 8 hours (depende sa brand). Mas OK din na inumin ito kapag tapos nang kumain.
3. Uminom ng antihistamine kung ang sore eyes ay sanhi ng allergy.
Kung ang iyong sore eyes ay sanhi ng allery, pwede ring uminom ng antihistamine. Pwede ang cetirizine, dipenhydramine, fexofenadine, at loratidine. Itanong sa pharmacist ang dosage at tamang pag-inom.
4. Uminom ng zinc supplements.
Ang zinc ay nagpapalakas ng resistensiya ng mga mata. Nakatutulong ito para hindi na mabilis madapuan ng kung anumang impeksyon o sakit ang mga mata katulad ng sore eyes. Kung ayaw bumili ng zinc supplements, kumain na lamang ng mga pagkaing mayaman sa zinc kagaya ng seafood, mani, manok, at iba pa.
The ideal dosage would be 30 to 50 mg of zinc per day. Make sure not to consume more than 100mg of zinc supplements on any given day.
– Dr. Audrey Moroy, Clinical Optometrist, The Eye Practice
Bakit Hindi Ko Sinama ang Breastmilk o Gatas ng Ina Bilang Gamot sa Sore Eyes?
Natalakay ko na noon kung bakit hindi advisable gamitin ang breastmilk bilang gamot sa sore eyes. Ayon sa mga nagdaang DOH Secretary at mga doktor sa mata, huwag gawing pampatak ang breastmilk sa sore eyes sapagkat pwede itong maging sanhi ng pagkabulag. (Totoo yan. Yung kaklase ko noon, nakwento niya sakin na kaya siya nabulag kasi pinatakan daw siya ng breastmilk noong nagka-sore eyes siya.)
References:
Treating Red, Puffy Eyes: Warm Compress vs. Cold Compress – Linda Vision
Sore Eye Remedies – Healthline
Aloe vera extract activity on human corneal cells – National Library of Medicine, PubMed
Quick Home Remedies for Pink Eye – American Academy of Opthalmology
How to Get Rid of Pink Eye at Home – Medical News Today
Home Treatments for Conjunctivitis – NYU Langone Health
7 Benefits of Castor Oil for Eyes and How to Use It – NVision
Understanding Eye Allergies – WebMD
Let’s Go Natural in Fighting Conjunctivitis – The Eye Practice