10 Gamot sa Singaw o Canker Sore

gamot sa singaw o canker sore

(Last Updated On: January 8, 2023)

Isa sa pinaka-ayaw ko ay yung nagkakaroon ako ng singaw o canker sore. Naaabala kasi pagkain ko. 😅 Kahit ang sarap ng ulam eh pipiliin mo na lang na hindi kumain kasi humahapdi at sumasakit yung singaw mo – lalo na kapag maaasim, maaalat, at maaanghang yung ulam. Kaya kung naghahanap ka ng gamot sa singaw o canker sore, subukan mo ang mga ito:

Table of Contents

    Home Remedies sa Singaw o Canker Sore

    Ang singaw ay nagagamot naman kahit sa bahay lang. Maliban na lang kung sobrang lala na at napakaraming singaw sa bibig mo. Kung may napansin kang tumubong singaw sa iyong bibig, agad-agad itong lapatan ng alinman sa sumusunod na home remedies:

    1. Maligamgam na tubig na may asin (Pinaka-simpleng gamot sa singaw o canker sore)

    Siguro may nababasa kayo o napapanood sa Youtube o Tiktok channels ng ilang mga doktor na hindi raw gamot ang asin sa singaw. Oo, tama sila. Home remedy lang kasi ang asin at hindi ito gamot.

    Huwag na muna tayo masyadong magpaka-teknikal. Alam ko naman na para sa inyo, ang lahat ng bagay na nakatutulong sa pagpapagaling ay tinuturing niyong “gamot.” Yung mga supplement, halamang gamot, exercise, home remedy, pagpapahinga, pati na pagdarasal — lahat sa inyo ay gamot yan, tama diba? 😅

    Pero ang asin ay nakatutulong talaga sa pagtanggal ng singaw. Basahin niyo eto, eto, at eto pa. Lahat yan ay galing sa mga dentista — mga doktor ng bibig at ngipin. Kita niyo, mga dentista pa ang nagmumungkahi na effective ang maligamgam na tubig na may asin para sa mga pasyenteng may singaw.

    Although salt may aggravate the pain, a saltwater rinse can help speed up the healing process by drying out the sores.

    – Stiles Dental Care

    Bukod sa tinutuyo ng asin ang singaw, may kakayanan din itong pababain ang acid level ng iyong bibig. Dahil dito, nagiging mas alkaline ang iyong bibig, kaya naman napipigilan nito ang pagdami ng bacteria na sanhi ng iyong singaw. Nakatutulong din ang asin upang mabawasan ang anumang pamamaga.

    Tandaan. Huwag direktang lalagyan ng asin ang singaw, kasi sobrang hapdi nun.

    Paano gamitin ang salt water bilang gamot sa singaw?

    1. Magpakulo ng tubig.
    2. Isalin ang tubig sa 1 tasa at haluan ito ng 1 kutsaritang asin. (Ikaw na ang bahala mag-adjust ng dami ng asin.)
    3. Hintaying medyo lumamig ang salt water bago imumog.
    4. Magmumog ng salt water 3x sa loob ng isang araw o higit pa.

    2. Agua oxygenada o hydrogen peroxide

    Ang singaw o canker sore ay isang uri ng sugat sa bibig, kaya naman pwede rin itong gamitan ng agua oxygenada o hydrogen peroxide para gumaling. Gaya ng asin, binabawasan ng agua oxygenada ang pagiging acidic ng bibig.

    Paano gamitin ang agua oxygenada o hydrogen peroxide bilang gamot sa singaw?

    1. Haluin ang 1 kutsara ng agua oxygenada at 1 kutsara ng tubig. (Kung gusto niyo tig-2 kutsara, pwede rin. Basta parehas ang dami ng agua oxygenada sa tubig.)
    2. Kumuha ng cotton buds at isawsaw ito sa ginawang hydrogen peroxide solution.
    3. Idampi ang cotton buds sa singaw.
    4. Mag-apply ng hydrogen peroxide solution 3x sa loob ng isang araw o higit pa.

    3. Baking soda

    OK ding gamot sa singaw ang baking soda. Katulad ng asin at agua oxygenada, binabawasan ng baking soda ang pagka-acidic ng bibig para hindi na dumami pa ang mga mapaminsalang bacteria.

    Paano gamitin ang baking soda bilang gamot sa singaw?

    1. Maghalo ng 1 kutsarita ng baking soda sa 1/2 tasa ng tubig.
    2. Mumugin ang baking soda solution sa loob ng 15-30 seconds.
    3. Magmumog ng baking soda solution 3x sa loob ng isang araw o higit pa.
    gamot sa singaw o canker sore pin
    Gamot sa Singaw o Canker Sore

    4. Honey o pulot

    Mabisa ring gamot sa singaw ang honey o pulot. Sa katunayan, meron itong antibacterial at anti-inflammatory properties.

    Kung ayaw niyo magmumog ng asin, o hindi niyo kaya ang lasa ng agua oxygenada at baking soda, mag-honey na lang kayo para manamis-namis.

    Madami namang nabibiling honey sa mga grocery store. Ang maliit na bote ng purong pulot ay nasa 100+. Pero may tig-30 pesos up sa Shopee.

    Paano gamitin ang honey o pulot bilang gamot sa singaw?

    1. Magpatak lamang ng kapiranggot na honey sa kutsara.
    2. Dutdutin lang ang honey at ipahid ito sa singaw. (Siguraduhin lang na malinis ang mga kamay.)
    3. Maglagay ng honey sa singaw 3x sa loob ng isang araw o higit pa.

    5. Coconut oil o langis ng niyog

    Batay sa pag-aaral, ang langis ng niyog ay naglalaman ng lauric acid. Ang lauric acid ay mabisang panlaban sa bacteria. Meron din itong anti-inflammatory property, kaya naman natutulungan nitong mabawasan ang pamamaga, pananakit, at pamumula ng iyong singaw.

    Pwedeng makabili ng langis ng niyog sa palengke at grocery store.

    Research has shown that coconut oil has antimicrobial properties due to its high amount of lauric acid. 

    – Healthline

    Paano gamitin ang coconut oil o langis ng niyog bilang gamot sa singaw?

    1. Magsalin lamang ng langis ng niyog sa 1 kutsara.
    2. Gamit ang malinis na daliri, ipahid ang coconut oil sa singaw.
    3. Mag-apply ng langis ng niyog 3x sa loob ng isang araw o higit pa.

    Mga Gamot sa Singaw o Canker Sore na Mabibili sa mga Botika at Online Stores

    Kung hindi sa’yo effective o hindi ka hiyang sa mga nabanggit na home remedies, pwede ka namang bumili ng mga gamot para sa singaw sa mga botika, o kaya sa mga online store, gaya ng Lazada at Shopee. Nabibili naman ang mga sumusunod na gamot sa singaw kahit walang reseta:

    6. Antiseptic mouth sore rinse

    Ang antiseptic mouth sore rinse ay isang uri ng mouthwash. Pero specially-formulated ang mga ito para sa mga taong may mouth sore o canker sore. Sa na-research ko, ang OK na brands ay Orajel at Colgate Peroxyl. Yun nga lang, ang presyo ng mga ito ay 700-1,000+.

    7. Canker sore patch

    Meron ding canker sore patch. Para lang itong sticker na pinapatsi sa singaw. Ang sikat at safe na brands ay DenTek at Dentemp. Kaso dahil imported products ang mga ito, kulang-kulang 2k ang presyo sa Lazada at Shopee.

    May nakikita akong mga canker sore patch na galing China, Japan, at Thailand sa Shopee. Nagkakahalaga ang mga ito ng 1k pababa. Bago bumili, basahin muna ang mga review kung safe, effective, at legit ba.

    8. Canker sore oral drops

    Kung gusto niyo naman yung mga de-patak, bumili kayo ng canker sore oral drops. May nakikita ako sa Shopee, yung kulay green na para raw Debacterol. Iba-iba ang presyo niya. 70 to 250 pesos depende kung saan mo nabili. Ayon sa mga review, talagang effective.

    9. Canker sore gel

    Yung mga canker sore gel naman, para lang siyang cream o ointment. Ang sikat na brands ay Orajel, Iodent, at Anbesol. Pinakamura yung Iodent, nasa 150+ lang. Yung Orajel naman, nasa 400+ ang presyo. Tapos pinakamahal yung Anbesol, nasa 700+. (Yung mga presyo nito ay base sa Shopee.)

    10. Canker sore spray

    Meron ding mga de-ispray na gamot sa singaw. Ang nakita ko lang na local product ay yung Kamillosan Mouth Spray. Para sa sore throat talaga siya, pero nabasa ko sa product description niya na pwede rin ito sa mga singaw. Anti-inflammatory kasi ang Kamillosan.

    Madali lang naman i-apply ang mga nabanggit na gamot sa singaw. Basta basahing mabuti at sundin ang kalakip na instructions.

    References:

    8 Super-Fast Ways to Clear Up a Canker Sore – BloorWestSmiles Dental

    16 Ways to Get Rid of Canker Sores – Healthline

    Home Remedies for Canker Sores – Raptou Family Dental

    What to Know About Canker Sores and 14 Ways to Treat Them – Stiles Dental Care

    Leave a Reply

    Your email address will not be published. Required fields are marked *