First Aid sa Nahimatay: Ano ang Dapat Gawin?

Noong estudyante pa lamang ako, meron akong kaklaseng nahimatay habang nagdu-duty. Ang init kasi. Tapos makapal pa yung uniform namin. Kaya ayon, tinuruan na rin kami ng clinical instructor namin kung paano maglapat ng first aid sa nahimatay.
Upang magkaroon kayo ng ideya, ito ang mga dapat mong gawing first aid sa nahimatay:
- Suriin ang pasyente kung humihinga ba o may mga natamong sugat.
- Bigyan ng sapat na bentilasyon ang nahimatay.
- Ihiga ang nahimatay at itaas ang mga paa nito.
- Paupuin nang nakatungo kung walang mahigaan.
- Alisin ang masikip na pananamit ng nahimatay.
- Huwag piliting painumin ng tubig ang pasyente habang wala pang malay.
Para sa mas detalyadong eksplanasyon, basahin ang buong artikulo.
Bakit Nawawalan ng Malay ang Isang Tao?
Bago ang lahat, alamin muna natin kung bakit nahihimatay ang isang tao. Kadalasan, nawawalan ng malay ang isang tao dahil sa nagkukulang ang dugong dumadaloy sa kanyang utak. Pero paano nangyayari ito? Posibleng magkulang ang dugong dumadaloy sa utak at mahimatay kapag:
- Na-expose sa sobrang init ang katawan
- Walang laman ang sikmura o gutom
- Nakararanas ng matinding pananakit
- Nakakita ng bagay na hindi mo masikmura, gaya ng dugo, aksidente, at iba pa
- Nakararanas ng labis na pagkadismaya, lungkot, at galit
- Nakararanas ng matinding pagkapago
- May sakit ang pasyente, gaya ng highblood pressure, low blood pressure, sakit sa utak, sakit sa puso, at iba pa
Mga Sintomas ng Nahimatay
Narito ang mga sintomas ng isang taong nawalan ng malay:
- Hilo
- Hindi makausap
- Mahirap gisingin
- Malabo ang paningin
- Nanghihina
- Malamig ang balat
- Nagpapawis
- Maputla
- Nagsusuka
- Mabagal ang pulso/tibok ng puso

Paano Maglapat ng First Aid sa Nahimatay?
Kung sakaling isa sa mga kasamahan mo ay nahimatay, gawin lamang ang mga sumusunod na pangunahing lunas:
1. Suriin ang pasyente kung humihinga ba o may mga natamong sugat.
Kung hindi humihinga ang pasyente, magsagawa ng CPR at dalhin sa ospital. Kung humihinga naman, gawin ang mga hakbang mula #2. Panoorin ito: First Aid: CPR
Kung may mga natamong sugat ang nahimatay, linisin at gamutin ang mga ito. Kung ang pasyente ay nabagok o malubha ang mga natamong sugat, dalhin agad sa ospital. Basahin ito: First Aid sa Sugat: Mga Dapat Gawin Kapag Nasugatan
2. Bigyan ng sapat na bentilasyon ang nahimatay.
Dalhin ang nahimatay sa lugar na may sapat na bentilasyon. Alisin ang pasyente sa siksikang lugar at paalisin ang mga nakapalibot na tao. Kung may mahahagilap na bentilador, pahanginan ang pasyente. Kung wala naman, paypayan ang nahimatay para makalanghap ng hangin.
3. Ihiga ang nahimatay at itaas ang mga paa nito.
Maghanap ng malawak at patag na lugar kung saan pwedeng makahiga ang pasyente. Pagkahiga, itaas ang mga paa nito para makadaloy muli ang dugo papuntang utak.
4. Paupuin nang nakatungo kung walang mahigaan.
Kung walang mahanap na mahihigaan ng pasyente, pwedeng paupuin na lamang ito nang nakatungo. Idikit ang ulo sa pag-itan ng mga hita habang nakaupo.
5. Alisin ang masikip na pananamit ng nahimatay.
Upang maging mas maayos ang paghinga at pagdaloy ng dugo, alisin ang pagkakabutones ng bra, blusa o polo, pantalon, at sinturon. Habang ginagawa ito, panatilihin pa rin ang privacy ng nahimatay.
6. Huwag piliting painumin ng tubig ang pasyente habang wala pang malay.
Kung bibigyan ang pasyente ng tubig habang wala pang malay, pwede siyang masamid at mabulunan — at ito ay mas delikado. Kaya huwag gagayahin ang mga napapanood sa TV na pinapainom agad ng tubig ang nahimatay. Lalo lamang mapapahamak ang pasyente.
Kailan Dapat Dalhin sa Ospital ang Taong Hinimatay?
Dalhin sa ospital ang pasyenteng nahimatay kung naobserbahan ang mga sumusunod:
- Hindi agad nagigising ang pasyente. Dapat ay magising agad nang hindi lalagpas sa 1 minuto.
- Hindi humihinga ang pasyente.
- Nabagok o may natamong malulubhang sugat ang pasyente.
- Kulay asul na ang labi ng nahimatay.
- Madalas mahimatay ang pasyente. Posibleng may sakit sa utak, puso, etc.
Paano Maiwasan ang Mawalan ng Malay?
Upang maiwasan ang mahimatay, gawin ang mga sumusunod:
- Uminom ng sapat na tubig.
- Magpahinga pagkatapos ng mabibigat na gawain.
- Huwag agad tumayo o bumangon mula sa pagkakahiga o pagkakaupo.
- Iwasan ang mga bagay na pwedeng pagmulan ng stress at anxiety.
- Kumain nang tama sa oras.
- Iwasang tumambay sa mga maiinit na lugar.
References:
First Aid Fainting – Mayo Clinic
Magandang hapon po doc, nahimatay po ako kahapon mag-isa
sa bahayy , naiihi po kasi ako tapos diretso po akong tumayo (nakahiga po kasi ako) then while umiihi ako parang walang dugo yung heart ko ? Then nawalan na ako ng malay, and then bigla akong nagising nakahiga na po ako sa ground , nong pagtayo ko po masakit yung likod ng ulo ko and then paggising ko po kaninang umaga masakit po yung batok ko, ano pong maaari kong gawin?? Salamat po sana po mavasa nyo to
Kapag ba hinimatay Ang tao nawawalan din ba Ng hininga?
Yung iba nawawalan ng hininga, yung iba hindi.