Nakakamatay Ba ang Kombulsyon?

nakakamatay ba ang kombulsyon

Categories :
Last Updated on: December 20, 2023

Ang kombulsyon ay ang panginginig at paninigas ng mga muscle o kalamnan dahil sa paulit-ulit na pag-contract at pag-relax nito. Kadalasang nangyayari ang kombulsyon sa mga bata, o kaya naman ay kapag merong seizure, epilepsy, impeksyon sa utak, head injury, tumor sa utak, o stroke ang isang tao. Pero nakakamatay ba ang kombulsyon?

Table of Contents

    Kombulsyon: Ang Mga Panganib Nito

    Ayon sa mga medical sources na nabasa ko, ang kombulsyon mismo ay hindi nakakamatay kasi “sintomas” lang ito. Ang nakakamatay ay ang mga sakit na sanhi ng kombulsyon, gaya ng seizure, epilepsy, brain infection, head injury, brain tumor, stroke, at iba pa. Ganunpaman, ang kombulsyon ay may mga panganib pa ring pwedeng maidulot sa pasyente katulad ng mga sumusunod:

    1. Injury (Sugat o Pinsala)

    Noong nagdu-duty pa ako sa pedia ward, nakakita ako ng batang kinokombulsyon. Hindi lang basta nanginginig o naninigas ang kanyang katawan, kundi ay talagang nagsisisipa ang kanyang mga paa at nagsisitikwas ang kanyang mga kamay.

    Dahil walang kontrol ang isang tao sa kanyang katawan habang kinokombulsyon, pwede siyang mauntog at mahulog at magdulot ng injury (sugat o pinsala). Kung hindi mase-secure ang kanyang paligid, pwedeng mabagok ang kanyang ulo o kaya naman ay mabalian ng buto. Kung malala ang natamong pinsala ng taong kinokombulsyon at hindi naagapan, pwede siyang mamatay.

    2. Aspiration (Problema sa Paghinga)

    Di ba kapag kinokombulsyon ang isang tao, nawawalan siya ng kontrol sa kanyang mga muscle o kalamnan? Ganun din sa mga muscle nito sa mukha at leeg — nawawalan siya ng kontrol. Dahil dito, naiipon ang laway sa loob ng bibig. Hindi malunok ng pasyente ang kanyang laway at pwedeng pumasok ito sa kanyang baga at magdulot ng aspiration (problema sa paghinga).

    Kapag ina-aspirate ang pasyente, pwede niya itong ikamatay kung hindi maaagapan. Kapag nakapasok ang laway sa baga, pwede itong maging sanhi ng hindi maayos na pagdaloy ng hangin kasi may airway obstruction. O kaya naman ay pwedeng magdulot ang laway na nakapasok sa baga ng iba’t ibang mga respiratory problem katulad ng impeksyon, pulmonya, at iba pa.

    nakakamatay ba ang kombulsyon pin
    Nakakamatay Ba ang Kombulsyon?

    3. Cardiac arrest

    Cardiac arrest? Bakit naman? Tandaan, ang heart o puso ay muscle din. Kaya kapag kinokombulsyon ang isang tao, “pwede” rin siyang mawalan ng kontrol sa muscle na ito. Dahil dito, nagkakaroon ang puso ng abnormal na pagtibok o heart rhythm.

    Kung hindi maayos ang pagtibok ng puso, ang iba’t ibang mga organ sa katawan ay hindi makatatanggap ng sapat na dugo na may oxygen. Pwede itong magdulot ng hypoxia (mababang lebel ng oxygen) at maging sanhi ng cardiac arrest. Ganunpaman, ang cardiac arrest ay rare o napakadalang na mangyari sa mga taong may simpleng kombulsyon.

    4. Status epilepticus

    Pwede ring magkaroon ng status epilepticus ang isang tao kapag siya ay may kombulsyon. Ang status epilepticus ay isang mapanganib at nakakamatay na kondisyon na kung saan ang isang pasyente ay walang tigil ang kombulsyon. Ang normal na kombulsyon kasi ay tumatagal lang ng 2-3 minutes. Pero kapag ikaw ay may status epilepticus, tuloy-tuloy ang iyong kombulsyon.

    Bakit ba natri-trigger ng isang kombulsyon ang status epilepticus? Sa ibang mga kaso, ang isang kombulsyon ay nagdudulot na ng labis na excitability ng mga neuron sa utak. Kapag nangyari ito, walang humpay na ang kombulsyon. Ganunpaman, ang status epilepticus ay isang rare o napakadalang na komplikasyon ng kombulsyon.

    Dapat Ka Bang Matakot sa Kombulsyon?

    Normal lang na makaramdam ng takot kapag may nakita kang isang tao na nakararanas ng kombulsyon. Kasi di ba parang nakakamatay ang kombulsyon. Pero ang mas importante ay maging mahinahon at tulungan ang taong nakararanas ng ganitong kondisyon. At gawin ang mga sumusunod:

    1. Siguraduhin ang kaligtasan ng pasyente.
    2. Huwag pigilan ang kombulsyon.
    3. Huwag pasakan ng kutsara o busalan ng damit ang bibig.
    4. Orasan ang kombulsyon.
    5. Tumawag ng ambulansya o anumang sasakyan para madala sa ospital ang pasyente.

    References:

    1. Sudden Unexpected Death in Epilepsy (SUDEP) – Centers for Disease Control and Prevention
    2. How Serious Are Seizures? – Epilepsy Foundation
    3. Is it possible to die from a seizure – Medical News Today
    4. Can You Die from a Seizure? – Healthline

    Leave a Reply