Gamot sa Lagnat: Mga Simpleng Lunas Para Bumaba ang Iyong Lagnat

gamot sa lagnat

Categories :
(Last Updated On: April 3, 2023)

Napakahirap talagang magkaroon ng lagnat. Bukod sa mainit ang iyong pakiramdam, madalas pa itong sinasabayan ng pananakit ng ulo at panghihina. Kaya naman, wala kang magawa sa buong araw kundi ang mahiga. Simple mang sakit ang lagnat, isa itong napakalaking abala. Ano nga ba ang gamot sa lagnat?

Upang magamot ang lagnat, kailangan mong gawin ang mga sumusunod na home remedies:

  1. Uminom ng maraming tubig o juice.
  2. Magpahinga at iwasan ang anumang mabibigat na gawain.
  3. Siguraduhing may sapat na bentilasyon sa kwarto.
  4. Magsuot ng mga angkop na damit upang hindi lamigin.
  5. Punasan ang katawan upang bumaba ang temperatura.
  6. Uminom ng gamot sa lagnat, gaya ng paracetamol, acetaminophen, at ibuprofen.

Para sa mas detalyadong pamamaraan kung paano gamutin ang lagnat, basahin ang buong artikulo.

Table of Contents

    Ano ang Lagnat? Kailan Masasabing Ikaw ay May Lagnat?

    Sa pinaka-simpleng depinisyon, ang lagnat ay ang pagtaas ng temperatura o pag-init ng katawan.

    Kadalasan, ikaw ay masasabing may lagnat kapag lumagpas sa 37°C ang iyong temperatura. Subalit, ito ay depende kung saan ka kinuhanan ng temperature.

    Maraming paraan ang pagkuha ng temperatura. Kadalasan ay sa kili-kili. Pero pwede ring kuhanan ng temperatura sa noo, bibig, tenga, at pwet.

    Narito ang normal temperature range ng bawat bahagi:

    Body PartNormal Temperature Range
    Axillary (Kili-kili)35.2°C – 36.9°C
    Forehead (Noo)35.4°C – 37.4°C
    Oral (Bibig)36.4°C – 37.6°C
    Ear (Tenga)35.9°C – 37.6°C
    Rectal (Pwet)37°C – 38.1°C
    Normal Temperature Range

    Kapag mas mataas sa normal temperature range ang iyong temperatura, ikaw ay may lagnat.

    Mga Sintomas ng Lagnat

    Kung ikaw ay may lagnat, posibleng makaranas ka ng iba pang mga sintomas bukod sa pagkakaroon ng mainit na temperatura. Narito ang iba pang mga sintomas ng lagnat:

    • Pamamawis
    • Panlalamig
    • Pananakit ng ulo
    • Pananakit ng katawan
    • Kawalan ng gana sa pagkain
    • Dehydration
    • Panlalambot o panghihina

    Tandaan na hindi lahat ng nilalagnat ay nakararanas ng mga nabanggit na sintomas. Yung iba, mainit lang ang pakiramdam, pero malakas pa rin ang pangangatawan. Ganunpaman, kailangan pa ring magpahinga sa bahay upang hindi lumala ang lagnat.

    Mga Sanhi ng Lagnat

    Iba’t iba ang mga sanhi ng lagnat. Karamihan sa’ting mga Pinoy, nagkakaroon tayo ng lagnat kapag namamaga ang ating mga lalamunan. Madalas din tayong magka-lagnat kapag malamig ang panahon, o kaya ay kapag nabasa tayo ng ulan. Pero bukod sa mga ito, marami pang mga dahilan kung bakit nagkakaroon ng lagnat. Ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:

    1. Pagkakaroon ng impeksiyon

    Pwedeng magkaroon ka ng lagnat kung ikaw ay may impeksiyon sa tenga, baga, balat, lalamunan, pantog, bato, at iba pang mga bahagi.

    Upang mapigilan ang pagkalat ng impeksiyon at mapatay ang mga mikrobyo, paiinitin ng hypothalamus ang iyong katawan. Ang hypothalamus ay isang maliit na organ sa ating utak at ito ang namamahala ng ating body temperature.

    2. Dulot ng ibang sakit

    Ayon sa mga doktor, ang lagnat ay hindi aktwal na sakit. Posibleng ito ay indikasyon na may iba kang sakit, gaya ng tonsillitis, sipon, ubo, at UTI.

    Pwede ring sintomas ang lagnat ng mga mas malulubhang sakit katulad ng dengue, malaria, tetano, kanser, sakit sa baga, sakit sa atay, at iba pa. 

    3. Side effect ng iniinom na gamot

    Kung wala ka namang impeksiyon o sakit, posibleng magkaroon ka ng lagnat dahil sa iniinom mong gamot. Ayon sa NCBI PubMed, ang mga gamot na gaya ng penicillin, cephalosporin, antitubercular, quinidine, procainamide, methyldopa, at phenytoin ay nagdudulot ng lagnat.

    4. Severe dehydration

    Pwede ka ring magkaroon ng lagnat kung ikaw ay may severe dehydration. Sa kondisyong ito, tuyot na tuyot ang iyong katawan dahil sa kakulangan ng sapat na tubig. Dahil dito, hindi nare-regulate nang maayos ang iyong temperatura at umiinit ang iyong pakiramdam.

    5. Epekto ng pagbabakuna lalo na sa mga baby

    Kadalasan, nagkakaroon ng lagnat ang mga baby pagkatapos mabakunahan. Sa experience ko sa anak ko, sa 1st dose lang siya nilagnat kasi hindi pa “sanay” ang katawan niya sa bakuna. Pero noong 2nd dose o 3rd dose na, hindi na nilagnat ang aking baby.

    gamot sa lagnat pin
    Gamot sa Lagnat

    Gamot sa Lagnat

    Kung ang lagnat ay hindi naman malala at alam mo ang sanhi nito, hindi kailangang mag-panic at sumugod agad sa health center, clinic, o ospital. Pwede mo itong gamutin kahit sa bahay lang.

    Upang bumaba ang iyong temperatura, gawin lamang ang mga sumusunod na home remedies sa lagnat:

    1. Uminom ng maraming tubig o juice.

    Kung ikaw ay may lagnat, kadalasang nade-dehydrate din ang katawan. Upang hindi ma-dehydrate, uminom ng maraming tubig (at least 8 baso) o juice. Pwede ring humigop ng mainit na sabaw.

    2. Magpahinga at iwasan ang anumang mabibigat na gawain.

    Hindi gagaling ang iyong lagnat kung hindi ka magpapahinga. Para tuluyang mawala ang iyong lagnat, ipagpaliban muna ang mabibigat na gawaing bahay, umabsent sa trabaho, o huwag munang pumasok sa school. Kadalasan namang nawawala ang simpleng lagnat pagkalipas ng 2-3 araw.

    3. Siguraduhing may sapat na bentilasyon sa kwarto.

    Huwag hayaang saradong-sarado ang iyong kwarto kung ikaw ay may lagnat. Buksan ang mga bintana para may maka-ikot na hangin, at hindi makulong ang anumang dala-dala mong mikrobyo. Para hindi ka ginawin, huwag mo lang hahayaang tamaan ka ng direktang hangin.

    4. Magsuot ng mga angkop na damit upang hindi lamigin.

    Kung ikaw ay nilalamig, magkumot o magsuot ng jacket. Kung hindi ka naman nilalamig, OK lang kahit hindi ka magsuot ng makakapal na damit. Kadalasan kasi, ang mga matatanda, binabalot nang husto ang taong may lagnat kahit hindi na komportable ang pasyente.

    5. Punasan ang katawan upang bumaba ang temperatura.

    Kung mataas pa ang lagnat, huwag munang hayaang maligo ang pasyente. Pwede itong maging sanhi ng labis na panlalamig.

    Sa halip, punasan na lamang muna ng maligamgam na tubig ang katawan ng may sakit. Punasan ang kanyang noo, mukha, kili-kili, braso, kamay, dibdib, singit, ari, hita, binti, at paa. Para mas maginhawaan ang nilalagnat, pwede mo rin siyang punasan ng pinaglagaan ng dahon ng suha o sambong. 

    Take note lang. Sa ibang mga doktor, pinapayagan nilang maligo ang pasyente gamit ang maligamgam na tubig kahit mataas pa ang lagnat. Meron ding mga doktor na nagpapayong gumamit ng yelo sa paliligo.

    Nakatutulong kasi ang paliligo upang bumaba ang lagnat at para matanggal na rin ang anumang mga mikrobyong nakakapit sa katawan. 

    PERO tantyahin niyo rin kung kaya ba ng pasyente na maligo kahit nilalagnat. Based on experience, mas lalong sumama ang pakiramdam ko noong naligo ako habang mataas pa ang lagnat ko.

    6. Uminom ng gamot sa lagnat, gaya ng paracetamol, acetaminophen, at ibuprofen.

    And last but not the least, uminom siyempre ng gamot sa lagnat. Ang kadalasang pinapainom sa may lagnat ay paracetamol (Biogesic), acetaminophen (Tylenol), at ibuprofen (Advil, Motrin).

    Para sa mabilisang paggaling, uminom ng gamot tuwing ika-4 na oras. Halimbawa, tuwing 8am-12nn-4pm-8pm-12mn dapat uminom ng gamot sa lagnat.

    Pero depende pa rin ito sa brand ng nabili mong gamot. Ang ibang gamot sa lagnat kasi ay may frequency na every 6 hours, gaya ng Bioflu.

    Kailan Dapat Kumonsulta sa Doktor?

    Bagama’t ang simpleng lagnat ay pwedeng gamutin sa bahay, kumonsulta agad sa doktor kapag nakararanas ng ganitong mga sintomas:

    • Pabalik-balik ang lagnat
    • Mahigit 3 araw na ang lagnat
    • May rashes o namamantal ang balat (posibleng dengue)
    • Naninilaw ang balat (posibleng malaria)
    • Naninigas ang leeg (posibleng tetano)
    • Namumutla
    • Labis na nanghihina at nangangayayat
    • Nahihirapan sa pagdumi o pag-ihi

    Ang mga sintomas na ito ay maaaring indikasyon ng ibang sakit na kailangang bigyan ng espesyal na karagdagang lunas. Kung may kakaiba kayong nararamdaman na hindi nabanggit sa taas, kumonsulta rin agad sa doktor.

    References:

    What is normal body temperature for adults, babies, during pregnancy, and all else you need to know – Medical News Today
    How is body temperature regulated and what is fever? – National Library of Medicine
    Fever – MedlinePlus
    Drug-induced fever – NCBI PubMed
    Everything You Need to Know About Fever – Healthline
    Kung may lagnat – National Drug Information Center Pamphlet
    Fever treatment: Quick guide to treating a fever

    44 thoughts on “Gamot sa Lagnat: Mga Simpleng Lunas Para Bumaba ang Iyong Lagnat”

    1. ano pong gamot sa lagnat na balikbalik pwde ba tulungan nyo po ako kasi hindi po ako makapunta sa hospetal kasi nandito po ako sa work ko hirapan na ako sa pagkain kasi paet hindi po ko matangamtaman ng lasa..,

    2. Hi Grezylmae. Kung pabalik-balik na ang iyong lagnat sa loob ng 3 araw, kailangan na talaga magpakonsulta sa doktor. Pero kung wala ka pa talagang oras dahil sa iyong trabaho, mangyaring sundin na lamang ang mga angkop na lunas na nakasaad sa artikulo. Tungkol naman sa iyong panlasa, normal na nararanasan ng taong may lagnat ang pagkakaroon ng mapait na panlasa. Pero para makakain ka nang maayos, malalambot na pagkain ang iyo munang kainin gaya ng lugaw, sopas at gulay na may kanin. Iwasan muna kumain ng mapupulang karne gaya ng baka at baboy. Manok, pwede pa. Kung magluluto ka ng gulay at karne, mas okay yung may sabaw. At bago kumain, ugaliing magsipilyo ng ngipin at dila para matanggal yung latak na pagkain at mag-improve ang iyong panlasa. Sa inumin naman, pwede kang uminom ng juice gaya ng orange, calamansi or dalandan. Huwag muna softdrinks. Kung minsan, kaya pabalik-balik ang lagnat kasi hindi ka umiinom ng gamot na ayon sa oras at hindi ka nagpapahinga, kaya nabibinat.

    3. Ako po si starsh tanong ko lang po kung may lagnat po ba sa luob ng katawan? Kasi po mainit ang mata ko at mainit ang luob ng katawan ko, consider as fever po ba yon?

    4. Pano po kung pabalik balik ung lagnat ko pero, every week naman po, tulad nung christmas tapos po nung new year tapos ngayon na naman po, nilalagnat ako, ano pong dapat gawin?

    5. Hi Starsh. Maaaring yan ay indikasyon na malapit ka nang magkaroon ng lagnat. Kadalasan, kapag ang tao ay lalagnatin, magiinit ang loob ng katawan nito at madalas din na mag-init ang mga mata kasi nag-rereact ang mga ito sa pagtaas ng temperatura ng katawan.

    6. Hi Jane. Kung nakakaranas ka ngayon ng lagnat, maaari mong gawin ang mga lunas na nakasaad sa artikulo. Pero dahil abnormal na pabalik-balik ang iyong lagnat every week, kailangan mong magpa-checkup sa doktor para makasigurado kung ano talaga ang sanhi niyan at malapatan pa ng karagdagang lunas. Kadalasan kasi, ang pangkaraniwang lagnat ay tumatagal lamang ng 2 hanggang 3 araw. Kung humigit pa rito, maaaring indikasyon ito ng iba pang sakit.

    7. hi po .ung anak ko po ksi tatlong arw na nilalagnat .binakunahan po ksi sia tas hanggang ngaun po hnd pa po nawawala lagnat nia . 37.4 tas 38.6 at minsan po umaabot na ng 39.5 . 6 months pa lng po ang baby ko . ngaun po mainit nanamn po sia . anu po kaya ang dapt ko pong gawin ? . salamat po ! paki sagot amn po . marami pong salamt .weyt ko po sagot nio . salmt po ulit

    8. Hi Angela. Isa sa side effects ng vaccination ay low grade fever o lagnat na hindi lalagpas sa 38 degrees Celsius. Ito ay nangangahulugan lamang na bumibisa ang bakuna. Pero dahil ang iyong baby ay nagkakaron ng lagnat na higit sa 38 degrees Celsius, ipa-check up mo na siya sa doktor para mabigyan ng angkop na lunas. Hindi ako makakapagbigay ng gamot na pwede mong ibigay sa kanya o kung anuman sapagkat ang klase at dosage ng gamot ay depende sa maraming factors gaya pangkabuuang kondisyon ng iyong baby, timbang, at iba pa. Para naman medyo bumaba ang lagnat ng iyong baby at hindi siya ma-dehydrate ay ang walang palya na pag-breastfeed.

    9. Hi po ask ko lang. Yung father ko po 3days ng my lagnat mawawala tapos babalik ulit. Naghihina din ang kanyang katawan ano po kaya pwedeng gawin? Salamat po.

    10. Hi Maxima. Isa sa sintomas ng lagnat ay panghihina ng katawan kaya ina-advise na magpahinga. Nagpapahinga ba ang iyong tatay at umiinom ng gamot sa tamang oras? Kung walang nilalapat na lunas o kahit anong home remedy, babalik at babalik talaga ang lagnat, kumbaga parang nabibinat. Para sa iba pang karagdagang lunas sa lagnat, basahin ang "Gamot sa lagnat" na section ng artikulo. Kung hindi pa rin gumagaling ang lagnat ng iyong tatay sa loob ng 3 araw, ipa-checkup na siya sa doktor.

    11. ahh salamt po .
      now po ksi wla na po sia lagnat hnd kopo cia pinacheckup peu po niresetahan po kmi ng doktor na painumin dw po ng paracetamol lg po . hnd amn po sguro toh sakit na malala po nuh ? malaks amn po sia dumede skn po . parang normal lg po .. hnd amn po toh cguro sakit na malala ? alalang ala po ksi ako ii . salmt po

    12. Hi Angela. Para mawala ang iyong pag-aalala sa iyong baby, ipa-checkup siya sa doktor. Ang Pinoy Health Tips blog ay naglalayon lamang na magbigay ng tips para sa kalusugan. Hindi nito pinapalitan ang anumang ekspertong mungkahi ng mga doktor.

    13. Maraming salamat po sa pagreply sobrang sakit po kasi ng aking ulo at nilalagnat po ako ng dalawang araw na.. itatanong ko na din po kasi wala akong panlasa kaya wala po akong gana kumain pano ko po kaya muling maibabalik ang panlasa ko bigyan naman po ninyo ako advice maraming salamat po ulit.

    14. Kapag more than 3 days na, pa-consult ka na sa doktor. Pag may lagnat talaga, walang panlasa kaya naman walang gana. Pero para makakain ka nang maayos, malalambot na pagkain ang iyo munang kainin gaya ng lugaw, sopas at gulay na may kanin. Iwasan muna kumain ng mapupulang karne gaya ng baka at baboy. Manok, pwede pa. Kung magluluto ka ng gulay at karne, mas okay yung may sabaw. At bago kumain, ugaliing magsipilyo ng ngipin at dila para matanggal yung latak na pagkain at mag-improve ang iyong panlasa. Sa inumin naman, pwede kang uminom ng juice gaya ng orange, calamansi or dalandan. Huwag muna softdrinks.

    15. may lagnat po nako pangatlong arw palang po??? twing spit po ang bandang hapon tumataas po ang aking tempiratura??? pag nakainum npo ako ng gamot every fout hours okaey po sya but po ngayun kaht umga palng mainit na naman po ako wala rin po akong ganaang kumain at nanghina rin po ako??? ano po bang gamot ang maari kong inumin???

    16. Hi po. May lagnat po ako ngayon pang 3 days na po sya. Kagagaling ko lng dn po sa lagnat kya natatakot po ako. Bago po ako magkalagnat, nung Wednesday ang sakit ng lalamunan ko then nung madaling araw po giniginaw ako. As in sobrang nanginginig po ako. Umiiyak na lang po ako kasi sobrang sakit ng ulo ko at lalamunan, hirap makakain pero pinipilit ko po. Saging, may sabaw ang kinakain ko. Pabalik-balik po sya, kasi pag mag gagabi na wla na lagnat ko. Tapos pag natulog na ako nararamdaman ko na naman na nilalamig ako kinabukasan may lagnat ulit ako. Ganon po yung cycle everyday since nagka fever ako. I want to consult the doctor na nga po eh, sguro bkas if hndi pa rn nawala yng fever ko. Then yesterday evening po nasusuka ako pero wla pong malabas, prang feeling ko lng na nasusuka ako. Hinang hina na dn po ako. Umiinom naman po ako gamot. Sna hndi po malala yng sakit ko. Thankyou po.

    17. Hi Graceshan. Mas mabuti pa ngang kumonsulta ka na sa doktor para masuri ang iyong kalagayan. Minsan, ang pananakit or pamamaga ng lalamunan ay nagdudulot din ng lagnat. Kaya naman, para mawala ang lagnat, kailangan mong gamutin ang sanhi nito. At tungkol dun sa para kang nagsusuka, mas sensitibo talaga ang pang-amoy ng tao kapag siya ay may lagnat. Marahil ay nakaamoy ka ng pagkain na masyadong matapang ang amoy gaya ng patis, bagoong, suka at iba pa.

    18. Panglimang araw ko na pong lagnat ngayon. Pabalik-balik po sya. Umiinom naman po ako ng gamot. Nagsimula ito nung sumakit ung tagiliran ko at akala ko nawala na. Nung Sabado, nadarama kong masakit yung lalamunan ko pero di ko pinansin. Instead, naligo ako at nagsimula akong ginawin nung Sunday sa gabi na syang ikinasakit ulit ng tagiliran ko. Ngayon, di na sya masyadong masakit.
      Kagabi nga po nasuka po ako kasi after ko kumain, ininom ko agad ang isang baso ng 4 seasons juice tapos tubig tapos gatas. Patulong po. Salamat

    19. Hi Heziel. Isipin mo kung bakit sumakit yung tagiliran mo. May pilay ka ba sa tagiliran? Kung minsan, nagkakaroon ng lagnat kung may pilay sa katawan. Pwede rin magkaroon ng lagnat dahil sa pananakit ng lalamunan. Para mas makasigurado ka, pa-checkup ka na sa doctor since 5 days na, tapos masakit pa tagiliran mo at masakit pa lalamunan mo. Baka hindi lang lagnat yan.

    20. Hello po.. Pangalawang araw ko ng nafefeel ung mainit ang loob ng katawan ko, namamalat Ung boses ko, at barado ang ilong.. Until now pangatlo na, ganun parin.. Akala ko magkakatrangkaso na ko… Pero wala, nafefeel ko na may lagnat ako inside lng. Tas Sa labas wala.. Normal po ba ito?

    21. Marahil, kaya mainit ang iyong pakiramdam sa loob ng katawan ay dahil sa iyong ubo at sipon. I-aassume ko na may ubo at sipon ka kasi namamalat at barado ang ilong mo. Normal lang na mag-init ang pakiramdam sa loob ng katawan kapag may ubo at sipon. Pero para mawala ang nararamdamang lagnat, dapat bigyang lunas ang ubo at sipon. Kung hindi pa rin gumagaling hanggang ngayon, pinaka the best na solusyon is magpa-checkup sa doktor para sa mabusising health assessment. Ang blog na ito ay nagalalayon lamang na magbigay ng basic na impormasyon para sa kalusugan.

    22. Hi po ako si jhun ask ko lang po. Apat na araw n po kasi akong my lagnat pero ngaun po halos wala na po pero nahihilo parin po ako pati sumasakit yung mga kasu kasuan ko, para din pong may mapait sa lalamunan ko.. salamat po..

    23. hi po! ako po si jeff! tanong ko lang po, may lagnat at masakit po ang ulo ng asawa ko! ung unang araw po pina inom ko po sya ng alaxan fr! tpaos nawala po ung lagnat nya mga 12hours tapos po paglipas po ng isang araw ay nagkalagnat po ulit sya! pinapainom ko naman po ngaun biogesic may isang araw na po sya na may lagnat! anu po ba pede ipainom na gamot sa asawa ko!? hindi po kaya sya na binat kasi po naglinis po sya kasi agad ng bahay kinabukasan. sana po matulungan nyo ako! maraming salamat po!!

    24. Pwede na ang Biogesic. Halimbawa, kung pinainom mo ngayon ng Biogesic ang asawa mo, after 4 hours, painumin mo ulit siya ng gamot. Di mo na kailangang sabayan pa ng ibang gamot para mawala yung sakit ng ulo niya, kasi ang Biogesic, may pain reliever properties din siya. Gaya ng nakasaad sa artikulo, uminom ng gamot sa lagnat tuwing ika-4 na oras. Pero ang frequency o dalas ng pag-inom ng gamot ay depende pa rin sa gamot na binili mo. Hindi lahat ng gamot sa lagnat ay tuwing ika-4 na oras ang pag-inom. (Pero ang Biogesic, every 4 hours). Tapos, para tuluyang gumaling asawa mo, gawin yung mga nakasulat na tips sa artikulo. Magpahinga kamo siya. Huwag agad babanat ng gawaing bahay. If hindi pa rin gumaling lagnat ng asawa mo after 3 days, ipa-doktor mo na.

    25. Gud evening po. May lagnat po kc ang asawa ko ngaun. Bale kahapon oo hapon nag umpisa ininuman nya po ng bioflu at alaxan then nwala na pp kinabukasan. Pro po after namin mag visita iglesia ngaun nilalagnat na naman po sya. Masakit daw ulo at likod nya. May alam po ba kayo na dahilan kung bakit sya nakakaranas ng ganitong lagnat na pabalik balik?

    26. Marahil ay nabinat siya kaya pabalik-balik ang lagnat nung nag-Visita Iglesia kayo. Sa init ng panahon, malamang na-dehydrate ang iyong asawa. Ayon sa artikulo, ang dehydration ay sanhi din ng pagkakaroon ng lagnat. Dulot na rin ng init ng panahon, nakakasakit talaga ito ng ulo. Kung galing sa sakit, dapat talaga magpahinga muna ng 1-2 days.

    27. Hi. Pwede po uminom ng vitamin C kasi nakakapagpalakas ito ng resistensya para hindi dapuan ng sakit. Pero usually, kapagka gumaling ka na sa iyong sakit, saka ka uminom, para di na maulit. Pero best pa rin na magtanong sa iyong doktor.

    28. Hi This is Alex. Di ko po inaasahan pero nakakaramdam po ako nang panghihina, sakit ng muscles at sipon nung Monday. Ininuman ko po ng BioFlu nung tuesday at nawala lagnat ko ng 1 day lng. Pero bumalik po sya ulit ngayong wednesday at lagi na po ako nagigising sa pagtulog ko every 2 hours, at saka nawalan din po ako ng gana kumain dahil nga po sa wala akong panlasa. Ano po ba ang dapat gawin ko since naapektuhan na din po ung trabaho ko dahil sa kondisyon ng katawan ko sa kulang na tulog at panghihina.

    29. Noong Monday pa pala kayo may sakit. Pag more than 3 days na ang lagnat, check-up na. At mukhang hindi ka rin umabsent para magpahinga. Hindi ka talaga agad gagaling. Mabibinat at mabibinat ka. At anong frequency ba nung pag-inom mo ng BioFlu? Baka naman isang beses ka lang uminom. Dapat tama yung agwat ng pag-inom ng gamot. Hindi ko rin masasabi kung dengue yan, ang nagdidiagnose lang kasi ay doktor. Pero usually ang sintomas ng dengue ay alinman dito: may rashes, nagdurugo ang gilagid, nagsuka may kasamang dugo, or dumumi ng may dugo. Kung iba na talaga pakiramdam mo, check-up na. May libre namang check-up sa mga health center basta alamin mo yung sched ng doktor.

    Leave a Reply

    Your email address will not be published. Required fields are marked *