Ano ang Sanhi ng Kombulsyon ng Bata?

sanhi ng kombulsyon ng bata

Categories :
Last Updated on: January 11, 2024

Ang pinaka-pangkaraniwang sanhi ng kombulsyon ng bata ay mataas na lagnat. Pero meron pang iba’t ibang sanhi ng kombulsyon na mas nakakatakot pa kaysa lagnat. Kaya hindi dapat balewalain ang kombulsyon ng bata at maglapat agad ng first aid sa kombulsyon o kaya naman ay dalhin sa doktor kung kinakailangan.

Table of Contents

    Iba’t Ibang Sanhi ng Kombulsyon ng Bata

    Kung unang beses pa lang nakararanas ng kombulsyon ang iyong anak, marahil ay isip ka nang isip kung bakit siya nagkaroon nito. Upang maging mas alerto ka at mas maging malawak ang iyong kaalaman bilang magulang, narito ang iba’t ibang sanhi ng kombulsyon ng bata:

    1. Mataas na lagnat

    Kung ang anak niyo ay may lagnat na 38°C pataas, pwedeng magdulot ito ng kombulsyon. Ayon sa pag-aaral, ang mataas na temperatura ng katawan ay pwedeng makaapekto sa utak at magdulot ng panginginig o pangingisay. Ganunpaman, hindi lahat ng batang may mataas na lagnat ay nagkakaroon ng kombulsyon.

    2. Namamana o nasa lahi

    Bukod sa mataas na lagnat, maaaring ang dahilan ng kombulsyon ng bata ay namana sa kanyang mga magulang o nasa lahi ng pamilya. Kaya kung ang kombulsyon ay namana, i-expect niyo na na mas madalas magkaroon ng kombulsyon ang iyong anak kumpara sa ibang mga bata.

    3. Birth defects

    Pwede ring ang kombulsyon ng bata ay sanhi ng birth defects, gaya ng brain malformation at hereditary disorder of metabolism. Sa brain malformation, posibleng hindi naging maayos ang development ng utak ng sanggol habang nasa sinapupunan. Sa hereditary disorder of metabolism naman, ibig sabihin, may namanang sakit na related sa metabolismo (pagtunaw ng pagkain) ang iyong anak. Kapag may metabolism disorder, pwedeng maimbakan ng ammonia sa katawan ang iyong anak at ito ay pwedeng makalason sa utak.

    4. Pagiging lango sa mga bisyo ng ina ng sanggol

    Kung ikaw ay madalas maglasing, gumamit ng droga, gaya ng amphetamine at cocaine, at uminom ng gamot na hindi inireseta ng doktor, habang ikaw ay nagbubuntis, pwede nitong malason at ma-damage ang utak ng sanggol sa iyong sinapupunan. Kaya naman mas lumalaki ang tyansa na makaranas ng kombulsyon ang iyong anak lalo na kapag siya ay nilalagnat.

    5. Birth trauma

    Sa birth trauma, posibleng na-damage ang utak ng sanggol habang iniiri ng kanyang ina. Pwedeng ma-damage ang utak kapag nakulangan sa oxygen ang bata habang inilalabas. Kapag may damage ang utak, mas malaki ang tyansa na makaranas ng kombulsyon habang lumalaki ang bata.

    6. Impeksiyon

    May mga bacterial at viral infection na nakaaapekto sa utak, gaya ng herpes, HIV, malaria, toxoplasmosis, bacterial meningitis, at iba pa. Ayon sa mga medikal na propesyonal, ang mga bacteria o virus na nagdudulot ng mga impeksiyon na ito ay posibleng makarating sa utak at maging sanhi ng kombulsyon.

    sanhi ng kombulsyon ng bata pin
    Ano ang Sanhi ng Kombulsyon ng Bata?

    7. Mababang sodium

    Kadalasang bumababa ang sodium (asin) sa katawan ng bata kapag masyado siyang maraming uminom ng tubig. Tandaan, hindi dapat singdami ng tubig na iniinom ng matatanda ang tubig na iniinom ng bata dahil mas maliit sila. Kapag bumaba ang level ng sodium sa katawan, pwedeng mamaga ang utak at magdulot ng kombulsyon.

    8. Sobrang baba o taas ng blood sugar

    Mapababa o mapataas ang blood sugar, pwedeng maging sanhi ito ng kombulsyon sa bata. Kadalasang makikita ito sa mga batang may type 1 diabetes. Kaya naman mahalagang i-monitor ang blood sugar ng iyong anak lalo na kung siya ay may diabetes.

    9. Mataas na presyon

    May mga bata na sobrang taba dahil sa pagkain nang marami at kakulangan sa ehersisyo. Dahil dito ay tumataas na rin ang kanilang presyon. Kung hindi naman poor lifestyle ang dahilan, maaaring mataas ang kanilang presyon dahil pinanganak silang may problema ang kidney (bato) o thyroid. Kapag mataas ang presyon ng bata, pwedeng ma-damage ang kanyang mga ugat na nagdadala ng dugo at oxygen sa utak kaya naman nag-tritrigger ito ng kombulsyon.

    10. Brain injury at tumor

    Ang pagkakapinsala ng utak dahil sa aksidente o pagkabagok ay pwede ring magdulot ng kombulsyon sa bata. O kaya naman ay kung may tumor sa utak ang iyong anak, pwede rin siyang makaranas ng kombulsyon.

    11. Stroke

    Hindi lang matatanda ang nagkakaroon ng stroke, mga bata rin. Pero ito ay napakadalang. Kapag may stroke ang bata, nagkakaroon ng lamat o peklat ang kanyang utak kaya naman pwede siyang makaranas ng kombulsyon.

    12. Kidney o liver failure

    Kung may sakit sa bato o atay ang bata, pwede rin siyang magka-kombulsyon. Meron akong pinsan na bata. Siguro mga 4 na taon pa lang siya noon. May sakit siya sa bato at sa tuwing nilalagnat siya, kinukombulsyon siya. Ang pagkakaintindi ko noon sa tito ko, kaya nagkasakit sa bato ang pinsan ko kasi nagka-impeksiyon kakakain ng chichirya. 

    Kadalasan, ang mga nabanggit ang sanhi ng kombulsyon ng iyong anak. Pero sa totoo lang, ang ibang sanhi ng kombulsyon ng bata ay hindi nalalaman ng mga doktor ang tunay na dahilan.

    Hindi naman nakakamatay ang kombulsyon mismo dahil “isa lamang ito sa mga sintomas” ng mga nabanggit na sanhi. Subalit, mas mainam na rin ang maging mas alerto, mas maingat, at mas malawak ang kaalaman tungkol sa iba’t ibang sanhi at sintomas ng kombulsyon.

    Kayo, ano ang experience niyo noong kinombulsyon ang anak niyo? Ano raw ang sanhi na sinabi ng doktor sa inyo?

    References:

    Seizures – Nemours KidsHealth

    Febrile seizures: Mechanisms and relationship to epilepsy – NIH (National Library of Medicine)

    Seizures in children – Cincinnati Children’s 

    Seizures in Children – MSD Manual Consumer Version

    Seizures in Children – Boston Children’s Hospital

    Connections Between Infections and Seizures – Elsevier SciTech Connect

    Leave a Reply