First Aid sa Paso: Anong Gagawin Kapag Napaso?

first aid sa paso

Categories :
(Last Updated On: February 16, 2023)
first aid sa paso

First Aid sa Hindi Malalang Paso (Minor Burn)

Ano ang minor burn?

– hindi lalaki sa 3 inches ang paso
– ang napasong balat ay parang mamula-mula o na-sun burn lang
– may maliit o kaunting paltos lamang
– may kaunting sakit lamang


Kung napaso ang iyong balat at hindi naman ito malala, maaaring gawin ang mga sumusunod na pangunahing lunas:

1. Tanggalin ang anumang bagay na nakasasagabal sa paglalapat ng first aid sa paso. Maaaring ito ay mga alahas, damit, sapatos, at iba pa. Tanggalin ito nang mabilis at gawin ang mga sumusunod na hakbang.

2. Palamigin ang napasong balat. Pinakamainam yung itatapat mo yung napasong balat sa gripo sa loob ng 5 to 20 minutes. Kung hindi naman posible, pwedeng buhusan mo na lang ng tubig nang dahan-dahan o dampian ng basang tuwalya ang balat hanggang sa mawala ang mainit na pakiramdam.
3. Pahiran ng antibiotic ointment o kahit ordinaryong lotion o aloe vera cream. Kapag malamig na ang napasong balat, tuyuin ito at pahiran ng antibiotic ointment para hindi maimpeksyon at mabawasan ang pananakit. Kung wala, pwede na ang ordinaryong lotion or aloe vera cream. Yung antibiotic ointment, pwede sya ipahid sa mismong napasong balat kahit may kaunting sugat. Pero kung ordinaryong lotion or aloe vera cream lang ang gamit, ipahid lang ito sa palibot ng napasong balat kasi pwede itong magdulot ng iritasyon kapag sa mismong sugat.
4. Balutan ng gasa ang napasong balat. Gawing maluwag lamang ang pagbabalot ng gasa sa palibot ng napasong balat para hindi madagdagan ng pressure ang paso. Nakatutulong ito para maprotektahan ang napasong balat sa hangin na may dalang alikabok o dumi. Bukod dito, nakatutulong ito para hindi mo malimutan na may napaso kang balat para ikaw ay mas maingat kumilos. 
5. Uminom ng pain reliever. Kung ang sakit mula sa napasong balat ay hindi matiis, pwede namang uminom ng pain reliever. Pwede ang ibuprofen, acetaminophen, at iba pang gamot na nabibili over-the-counter.

Mga Hindi Pwedeng Gawin sa Napasong Balat

Kapag napaso ang iyong balat, hindi mo pwedeng gawin ang mga sumusunod:
1. Kung may namuong paltos sa napasong balat, huwag itong puputukin. Kung hindi sinasadyang naputok, linisan ito ng tubig para hindi magkaimpeksyon. Pwede rin linisan ng may sabon.
2. Huwag papahiran ng toothpaste, butter, at iba pa. Bakit pa magpapahid ng toothpaste sa napasong balat kung may tubig naman, kung may ointment o lotion naman? Ang toothpaste, para sa ngipin. Ang butter para sa lutuin. BASAHIN: Toothpaste Para sa Paso. Pwede ba Talaga Ito?

First Aid sa Malalang Paso (Major Burn)

Ano ang major burn?

– mahigit 3 inches ang paso
– malalim ang pagkapaso
– kulay itim o sunog na yung balat or may puti-puti
– parang leathery o maganit na yung texture ng balat
Kung ang pasyente ay may malalang paso, gawin ang mga sumusunod na first aid:

1. Tumawag agad ng ambulansya o dalhin agad sa pinakamalapit na ospital ang pasyente. Ang pasyenteng may malalang paso ay kailangan ng dalhin sa ospital sapagkat mas malaki ang posibilidad niyang magka-impeksyon o kaya naman ay mag-agaw-buhay.
Habang naghihintay ng ambulansya o habang tinatransport ang pasyente sa ospital, gawin ang mga sumusunod:
2. Tanggalin ang anumang bagay na nakasasagabal sa paglalapat ng first aid sa paso. Gawing mas ligtas ang pasyente at tanggalin ang kanyang mga alahas, damit, o sapatos na nakaharang sa kanyang mga paso. Kung nakadikit na sa balat, hayaan na lamang ang mga medikal na propesyonal ang magtanggal nito.
3. Siguraduhing humihinga ang pasyente. Kung hindi pa rin nakararating ang ambulansya at hindi humihinga ang pasyente, magsagawa ng rescue breathing. Kahit hindi ka medikal na propesyonal, pwede ka magsagawa ng rescue breathing basta maalam ka.
👉 Paano magsagawa ng rescue breathing sa sanggol? Panoorin ito (latest way yan ng rescue breathing) https://www.youtube.com/watch?v=itrTeioD2Oo
👉 Paano magsagawa ng rescue breathing sa matanda? Panoorin ito (latest way yan ng rescue breathing) https://www.youtube.com/watch?v=Qtsel6p53Yc
4. Balutan ng mamasa-masang gasa o malinis na tela ang napasong mga bahagi. Maluwag lamang ang pagkakabalot dapat. Nakatutulong ito para maproteksyunan ang napasong bahagi sa dumi at impeksyon. Ang mamasa-masang gasa o tela ay nakatutulong din para lumamig ang napasong balat.
Note: Kung ang minor burn ay tinatapat ang napasong balat sa gripo, sa major burn ay hindi. Huwag itatapat sa gripo, ilulublob, o bubuhusan ng tubig ang major burn. Huwag din lalagyan ng yelo. Pwedeng magka-hypothermia ang pasyente o yung biglang bagsak/lamig ng temperatura nang mas mababa pa sa 35 degrees Celsius. Delikado siya para sa pasyenteng may malalang paso.
5. Itaas ang napasong bahagi. Halimbawa, kamay ang napaso. Itaas ang kamay nang mas mataas sa puso. Kung paa naman ang napaso, ihiga ang pasyente habang ang paa ay nakataas/nakadantay para mas mataas sa puso.

References:

2 thoughts on “First Aid sa Paso: Anong Gagawin Kapag Napaso?”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *