8 Mainam na Gamot sa Nalalagas na Buhok

gamot sa nalalagas na buhok

Categories :
(Last Updated On: December 13, 2022)

Ang hirap kapag laging nalalagas ang buhok ano? Lagi na lang may nakabarang mga buhok sa drainage ng banyo niyo. O kaya naman ay kapag nagwawalis ka sa bahay niyo eh puros buhok ang nalilinis mo. 😅 Para malaman kung ano ang mga tamang gamot sa nalalagas na buhok, kailangan mo munang tukuyin kung ano ba ang sanhi nito.

Table of Contents

    Bakit Nalalagas ang Buhok?

    Base sa na-research ko, ito ang mga posibleng dahilan kung bakit nalalagas ang buhok:

    1. Namamana

    Kung nasa lahi niyo ang paglalagas ng buhok, eh malaki ang tiyansa mo na mamana ito. Pwede kang makamana ng maninipis na hibla ng buhok sa mga magulang mo o kahit sa mga lolo’t lola mo. Kapag mas manipis ang hibla ng buhok, mas mabilis din itong maputol at malagas.

    2. Mahigpit na pag-iipit o pagtatali ng buhok

    Ayon sa American Academy of Dermatology Association, ang palagiang mahigpit na pag-iipit o pagtatali ng buhok ay pwedeng magdulot ng pagkahila at pagkasira ng mga hair follicle. Tingnan ang sumusunod na larawan para maintindihan mo kung ano at saang parte ito ng buhok:

    hair follicle
    Itsura ng hair follicle [Image Source]

    Kapag nahila at nasira ang mga hair follicle, hindi na magiging maayos ang pagtubo ng mga buhok at magreresulta ito sa pagkakalbo o paglalagas ng buhok.

    Avoid frequently wearing hairstyles that pull on your hair. The continuous pulling can damage your hair follicles. If you damage your hair follicles, your hair cannot grow back, so you develop permanent hair loss.

    – American Academy of Dermatology Association

    3. Paggamit ng iba’t ibang matatapang na mga kemikal o produkto sa buhok

    Pwede ring ang dahilan ng paglalagas ng buhok ay ang paggamit ng iba’t ibang matatapang na mga kemikal o produkto. Maaaring hindi ka hiyang sa nabili mong shampoo, conditioner, hair polish, gel, hair treatment, pangkulay ng buhok, at iba pa. Ilan sa mga senyales na hindi ka hiyang sa iyong hair products ay:

    • Sumasakit ang ulo mo
    • Nanuyo ang iyong anit
    • Naging malangis/mamantika ang iyong anit
    • Namula o nangati ang iyong anit
    • Nagkaroon ka ng balakubak
    • Nagkanda-tikwas-tikwas ang iyong mga buhok
    gamot sa nalalagas na buhok pin
    8 Mainam na Gamot sa Nalalagas na Buhok

    4. Nakararanas ka ng stress

    Batay sa isang pag-aaral, napag-alaman na ang stress hormone ay nakahahadlang sa pagtubo ng mga hair follicle stem cell.

    Ang mga stressful na pangyayari kagaya ng mga sumusunod ay pwedeng maging dahilan ng pagkapanot o paglalagas ng buhok:

    • Pagkapagod sa trabaho, eskwelahan, o gawaing-bahay
    • Pagkamatay ng minamahal sa buhay
    • Paghihiwalay ng magkarelasyon
    • Pagkakaroon ng sakit
    • Walang pera
    • Pagkagalit

    5. Nakararanas ka ng hormonal changes

    Ang hormonal changes ay ang pagbabago ng hormone levels ng katawan.

    Halimbawa, sa mga lalake, meron silang hormones gaya ng androgen. Sa mga babae naman, meron silang hormones gaya ng estrogen at progesterone. Pero take note lang ah. Hindi lang ang mga ito ang hormones sa katawan.

    Kapag nagtaas-baba ang hormone levels, pwedeng maglagas ang buhok.

    Kadalasang, nararanasan ang hormonal changes kapag nagbibinata o nagdadalaga. O kaya naman ay kapag buntis o menopausal na ang isang babae. Sa mga lalake naman, meron din silang menopause pero ang tawag dito ay andropause.

    6. Mayroon kang ibang sakit

    Kung minsan, ang paglalagas ng buhok ay indikasyon na pala ng ibang sakit gaya ng:

    • Alopecia
    • Thyroid disease
    • Fungal infection
    • Lupus
    • Kanser

    Kaya naman kung may nararamdamang kakaiba bukod sa paglalagas ng buhok ay kumonsulta agad sa doktor.

    7. May iniinom kang gamot na nakapagpapalagas ng buhok

    Ayon sa WebMD, maraming mga uri ng gamot ang nakapagpapalagas ng buhok. Ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:

    • Mga gamot sa tigyawat na may vitamin A
    • Mga antibiotic
    • Mga anti-fungal na gamot
    • Mga gamot sa depresyon
    • Mga birth control pill
    • Mga gamot sa altapresyon at kolesterol
    • Mga gamot sa kanser
    • Mga gamot sa thyroid
    • Mga gamot pampapayat

    Ano ang Gamot sa Nalalagas na Buhok?

    Mayroong iba’t ibang paraan para magamot ang paglalagas ng buhok. Kabilang na rito ang mga sumusunod:

    1. Gupitan ang buhok nang mas maikli.

    Unahin ko na ito. Based from experience. 😆

    Madalas din manlagas ang buhok ko kahit noong dalaga pa ako. Pero mas lumala yung paglalagas noong naging nanay na ako.

    Noong mahaba-haba pa ang buhok ko, mas madaling sumabit ang mga ito sa mga kamay ko lalo na kapag naliligo. Pero magmula noong ginupitan ang buhok ko nang mas maikli (pantay tenga 😅) ay nabawasan na ang paglalagas ng buhok ko. Legit yan. 👍

    Eto lang talaga yung ginawa kong paraan para mabawasan yung paglalagas ng buhok ko. Pero kung ayaw niyo naman ng maikling buhok, subukan niyo na lang yung iba pang mga paraan.

    2. Araw-araw maligo at mag-shampoo ng buhok.

    Pansinin niyo. Kapag araw-araw kayong naliligo at nagsha-shampoo ng buhok, mas mabilis magsitubo at humaba ang mga buhok. Ang mga shampoo kasi ay naglalaman ng hair nutrients na nagsisilbing pagkain at pampatibay ng mga buhok.

    Ayon kay UK-based trichologist, Kate Holden, AIT, mas mainam gumamit ng mga shampoo na may protein gaya ng hydrolized keratin at wheat protein. Sa conditioner naman, mas OK daw yung naglalaman ng glycerin at coconut oil.

    Shampoos can help with hair growth by strengthening the hair shaft, reducing breakage, and cleaning the scalp.

    – Kate Holden, AIT

    3. Kumain ng mga pagkaing mayaman sa protina at bitamina A.

    Para tumibay ang mga hibla ng buhok at hindi madaling malagas ang mga ito, kumain ng mga pagkaing mayaman sa protina at bitamina A.

    Ang mga ugat kasi ng buhok ay binubuo ng keratin, isang uri ng protina. Samantalang ang bitamina A naman ay nakatutulong upang maging mas malandas at mamasa-masa ang buhok.

    Halimbawa ng mga pagkaing mayaman sa protina:

    • Karne
    • Seafood
    • Dairy (gatas, keso, yogurt)
    • Tokwa
    • Mani

    Halimbawa ng mga pagkaing mayaman sa bitamina A:

    • Kangkong
    • Kulitis
    • Brocolli
    • Carrot
    • Kamote
    • Kalabasa
    • Kamatis
    • Bellpepper o lara
    • Mangga
    • Gatas
    • Itlog

    4. Uminom ng supplements na gamot sa nalalagas na buhok.

    Kung hindi ka naman mahilig kumain, pwede ka namang uminom ng supplements para mas gumanda at tumibay ang iyong buhok. Ilan sa mga maiinam na supplements para sa buhok ay ang mga sumusunod:

    • Multivitamins (Mas OK yung may kasamang vitamins A, B, C, D; iron, selenium, at zinc)
    • Vitamin D
    • Biotin
    • Saw Palmetto (Para sa mga kalalakihan)
    • Ginseng

    Meron sa mga drugstore ang lahat ng supplements na yan. Syempre, meron din sa Lazada at Shopee. Siguraduhin lang na sa LazMall, Shopee Mall, o Preferred Sellers bumili para sure na hindi fake.

    Basahin lamang yung dosage instructions sa pag-inom ng supplements para walang maging problema. Kung hindi hiyang, itigil lamang ang pag-inom at humanap ng ibang brand.

    5. Gumamit ng langis ng niyog.

    Ang langis ng niyog o coconut oil ay hindi lamang pampakapal ng buhok. Perfect din ito para maiwasan ang paglalagas ng buhok. Meron kasi itong lauric acid na tumutulong para mas patibayin yung mga protina ng buhok.

    Paggawa ng natural na langis ng niyog:

    1. Maghanap ng mga nanlaglag na tuyong bunga ng niyog o bumili sa palengke.
    2. Balatan at baakin ang mga tuyong bunga gamit ang gulok.
    3. Gadgarin ang laman ng mga niyog.
    4. Haluan ng kaunting tubig ang nagadgad na laman para mas madaling pigaan.
    5. Piga-pigain ang laman upang lumabas ang gata.
    6. Salain ang pinag-gataan, tapos ay pakuluan.
    7. Pakuluan hanggang mag-evaporate ang tubig at matira ang langis ng niyog.
    8. Palamigin at ilagay ang langis ng niyog sa malinis na lalagyan o lumang bote ng shampoo.
    9. Gamitin ang langis ng niyog tuwing maliligo. Magpahid ng katamtamang langis ng niyog sa buhok at imasahe ito sa anit.

    Kung hindi naman kayo matiyaga sa paggawa ng natural na langis ng niyog, pwede namang bumili na lamang ng coconut oil products sa mga botika.

    6. Maglibang para mawala ang stress.

    Madami ngayon ang napapanot dahil sa stress. Nariyan ang stress sa mga pang-araw-araw na buhay gaya ng trabaho, eskwelahan, gawaing-bahay, asawa, mga anak, walang pera, at iba pa.

    Para mawala ang stress at hindi na maglagas ang buhok, libangin ang sarili. Pwede kang mag-ehersisyo (effective yan), manood sa Netflix, mamasyal sa mall, magbasa ng libro, maghalaman, magluto, at iba pa.

    7. Gumamit ng mga gamot sa nalalagas na buhok.

    Maraming gamot sa nalalagas na buhok. May pinapahid at iniinom.

    Halimbawa ng mga gamot na pinapahid lamang sa anit ay minoxidil at phenylephrine.

    Sa iniinom na gamot naman, merong tinatawag na finasteride. Para makabili ng gamot na ito, kailangang may reseta ng doktor.

    8. Sundin ang iminungkahing medical treatment ng iyong doktor.

    Kung may budget ka naman para sa iminungkahing medical treatment ng iyong doktor, ituloy mo lang yan. Mas mabilis masosolusyonan ng medical treatment ang nalalagas mong buhok.

    Halimbawa ng mga medical treatment para sa nalalagas na buhok ay laser therapy at pag-iinject ng platelet-rich plasma.

    Konklusyon

    Ang paglalagas ng buhok ay hindi lubusang maiiwasan. Trivia lang. Ayon sa dermatologist ko noon, normal lang ang maglagas ng 50 to 100 na mga hibla ng buhok kada araw. Nga pala, sakop ng dermatologist ang pangangalaga ng buhok kasi parte ito ng balat.

    Kung hindi effective sa’yo ang mga nabanggit na gamot sa nalalagas na buhok, mas OK na kumonsulta sa iyong doktor.

    References:

    1. 6 Ways to Stop Hairloss – Cleveland Clinic
    2. Hairstyles that Pull Can Lead to Hair Loss – American Academy of Dermatology Association (AAD)
    3. How Stress Causes Hair Loss – National Institutes of Health (NIH)
    4. Medications that Can Cause Hair Loss – WebMD
    5. Hair Loss Prevention: 22 Tips to Save Your Hair – Healthline
    6. Nutrition for Hair Regrowth – Sutter Health
    7. Vitamin A – Harvard T.H. Chan

    Leave a Reply

    Your email address will not be published. Required fields are marked *